HOME

Monday, September 27, 2004

Goodbye, Mama


Nilibing naming magkakapatid ang Mama namin sa Himlayang Pilipino nung Linggo. 

Walang misa nung umagang yon, dahil nairaos na nung gabing nakaraan. Isang maikling dasal lang ang binigkas ng tita ko, na kapatid na bunso ng nanay ko, at tapos eh tinawag niya muna ako, bilang panganay ng apat na magkakapatid na lalaki. Pero hindi na ko nakapagsalita dahil nasingitan na ako ng pag-iyak ng pangatlong kapatid ko, na sinabayan naman ang dalawa ko pang kapatid.

Ano pa nga ba ang puwedeng sabihin? Yan ang naisip ko habang tumutulo ang luha ko, kasabay ng dahan-dahang pagbaba ng kabaong sa hukay. Nasabi ko na siguro ang lahat dapat pang sabihin sa morge, nung Linggo nang gabi, pitong araw bago ilibing ang Mama. Nakahiga siya sa isang stretcher, nakabalot sa kumot na asul. Kasama ko ang kapatid kong pangalawa. Siya ang nagtakbo sa emergency room nung naghihingalo na ang Mama.

Nasa Quezon City ako, nahahapunan sa paborito kong Easy Street pagkatapos tubusin ang celphone kong bagong repair, nung mag-text ang kapatid ko: "Mama in ER...stopped breathing."

Bukod sa hypertension, eh may sakit sa puso ang nanay ko. Pangalawang atake na yon. ER? Anong ospital? May kalahating oras bago nai-text ang kapatid ko ang pangalan ng ospital sa Paranaque, kung saan siya nakatira. May bente minutos na palang pilit binubuhay ang Mama. Nahulog na ang loob ko. Masyadong mahaba ang bente minutos.

Nalaman ko, nung magkita kami sa punerarya ng kapatid ko, na pinilit pa rin buhayin sa ER ang Mama ng kwarenta minutos. Tinigil na ng kapatid ko ang mga nurse at duktor. Di niya na makayang makitang niyuyugyog ang napakapayat nang katawan ng Mama.

Dun ko na siya muli nakita, matapos ang ilang linggo, sa morge, sa tabi ng mga nakasalansang mga lumang dyaryo at basyong karton. Di pa malamig at matigas ang bangkay ng babaeng nagbigay ng buhay at nag-alaga sa aming magkakapatid. Hagulgol ang kapatid ko: "Mama, naalagaan pa sana kita kung di lang..." Tinaas ko ang kamay ko: "Caloy, tapos na yan." At tahimik na lang kaming lumuha.

Hinimas-himas ng kapatid ko ang mukha ni Mama bago siya tumalikod at naglakad papalayo. Humalik ako sa noo ng Mama, tapos sa pisngi. Pinisil-pisil ko mga balikat. Nanginig ng bahagya ang katawan ko. Tinakpan ko uli ng kumot ang mukha ng Mama. Siya na ang susunod na embalsamuhin. Para sa akin doon na natapos ang huling pagpapaalam ko sa Mama.

© ATM

[This appeared in my Pulsong Pinoy column for Tumbok on Sept. 14, 2004, two days after my mother was buried, under the head "Huling paalam."]

No comments: