HOME

Friday, May 28, 2004

Syatap

Ang lakas ng loob nung nagbigay nung “shut up note” kay Maguindanao Rep. Didagen Dingalen. Pero masisi kaya natin yung nagbigay nun? Kung sino man yung taong yun, isa lang siguro siya sa maraming mga mamamayang naririndi na sa tila walang katapusan, at tila wala ring hahantungang, satsatan at epalan sa Kongreso.

Ganito ba ang uri ng mga politikong ibinoto ng mga tao para magpatakbo ng gobyerno natin? Teka, baka hindi tamang salita yang “magpatakbo.” Hindi rin ata tatama ang “magpalakad.” Siguro mas eksakto ang “magpagapang.”

Gusto niyo magka-altapresyon? Manood kayo sa mga palabas sa Kongreso, lalo na kung medyo maselang isyu ang hinihimay-himay nila. Malamang na mapapaiyak kayo, matatawa kayo, at higit sa lahat eh magagalit kayo sa inyong makikitang ipapamalas ng ating mga mambabatas (huwag lang pagkadiininan ang bigkas sa "malas").

Imbes na patalasan ng pangangatwiran, madalas eh patigasan ng pananalita ang nangingibabaw. Imbes na pagkilatis ng sustansya eh pagpuna sa porma ng isyu ang pinagkakaabalahan. At pagkatapos ng lahat ng palabas, eh ano na ang napagkasunduan? Kadalasan eh wala.

“Uwi muna tayo, palamig ng ulo, bukas na uli.”

Mabuti pa nga, para naman may panahon ding magpalamig ng ulo yung mga nagtiyagang manood sa pagkahaba-habang prosesyong ni hindi man lang nakarating sa simbahan.

Yun nga lang, habang nagpapalamig ng ulo ang iba, eh mukhang maraming mga taong malilikot ang imahinasyon na parang gustong mang-agaw ng eksena sa gitna ng pagkalito ng mga pinapasuwelduhan ng taong-bayan para hindi malito, at lalo namang hindi para lituhin ang mga nagpapasuweldo sa kanila.

Kaya naman di ko masyadong tinututukan yang mga nangyayari, o mga hindi pa nangyayari, sa eleksyong yan. Pasilip-silip lang sa balita. Ayokong magka-altapresyon. Nood na lang muna ako ng "Casablanca," at mas maaaliw pa ako, o mag-surf o chat sa Internet, at baka may matutunan pa akong bago. At paminsan-minsan eh makikipag-inuman, pero utang na loob, huwag na muna usap tungkol sa pulitika ang pulutan.

Pero teka medyo umiinit ulo ko. O sige. Syatap na lang muna ako.

© ATM

This appeared in my Pulsong Pinoy column in Tumbok on Friday, May 28, 2004.

No comments: