HOME

Thursday, July 15, 2004

Kanino ba dapat magalit?

Napakahirap na sitwasyon ang hinaharap ng gobyerno ng Pilipinas, naipit ito sa dalawang desisyon na parehong puwedeng palakpakan at puwede rin namang mapulaan.

Tama lang na gawin nito ang lahat para mailigtas si Angelo de la Cruz, ang truck driver na nakidnap ng mga terorista sa Iraq. Katungkulan nito na protektahan ang mga Pinoy, nandito man o nasa ibang bansa.

Pero eto ang problema: Baka pagsisihan nito ang desisyon nitong bumigay sa mga terorista. Kahit sino na lang sigurong sangganong may gustong may ipilit ipagawa sa atin eh bigla na lang manghahablot ng kahit sinong Pinoy at tutukan ito ng baril - at pag di natin sinunod ang hilig nito, eh di nasa konsensiya pa ang pagkamatay ng hostage.

Tama lang na panindigan natin ang mga prinsipyong sa tingin natin ay tama. At yan ang ginawa ng gobyerno natin nang suportahan natin ang laban ng America laban sa terorismo.

Hanggang ngayon may puwede pang pagdebatihan kung tama nga o mali ang pagpasok ng America sa Iraq, pero yan ay detalye ng implementasyon. Ang prinsipyo ay pareho: Ayaw natin pareho sa terorismo.

Ang problema ng Pilipinas eh di na nga ito makauugaga sa paghahabol sa mga kriminal sa sariling lupa. Pero para lang magpakitang gilas, eh napilitan na ngang magpadala ng kahit maliit na peacekeeping contingent sa Iraq.

Di ba dapat yan ang tinira sana nung mga terorista dun? Pero hindi, ang pinagdiskitahan nila eh isang truck driver na naghahanap lang ng mas malaking kita. Pinoy na hindi parte ng gobyerno ng Pilipinas.

Sisihin ba natin ang gobyerno ng Iraq, pati na yung mga Iraqi na hindi naman nanggugulo, dahil sa ginawa ng ilang mga terorista nila? Hindi dapat, di ba?

Kaya naman foul ang ginawa ng mga terorista. Bakit kailangan idamay ang isang Pinoy na hindi man lang parte ng official contingent ng Pilipinas?

Pero kaya nga sila mga terorista, di ba? Kaya nga may kapal sila ng mukha na pati ang pribadong World Trade Center sa New York ay gibain at idamay ang napakaraming taong hindi naman parte ng gobyernong kalaban nila.

Napakahirap ng posisyon ng gobyerno natin ngayon. Hindi ko alam kung bakit mas matindi ang galit ng ilang mga kababayan natin sa sariling gobyerno natin kaysa dun sa mga teroristang dumukot kay Angelo de la Cruz.

Kelan kaya magkakademonstrasyon laban dun sa mga tarantadong walang pinipiling saktan?

© ATM

[This was my Pulsong Pinoy column for Tumbok today, Thursday, July 15, 2004.]

No comments: